𝐢.

511 19 3
                                    

[ Kabanata 1 — GomBurZa ]

Sa isang maliit na dorm na malapit sa isa sa mga pinakakilalang unibersidad sa Pilipinas ay mayroong isang estudyante na nahihirapan sa kanyang asignatura at sadyang tuliro sa kung paano ba ang kanyang gagawin....

Binasa ko na't lahat ngunit hindi pa rin talaga tumatatak sa isipan ko. Nakailang hanap na rin ako sa Google ng mga kasagutan ngunit hindi ko talaga lubusang maintindihan kung bakit ba mahalaga ang pag-aaral tungkol sa tatlong paring martir, ang GomBurZa.

Napakurap ang aking mga mata at kinuskos ko pagkatapos. Kailangan ko na talaga nang maayos na tulog, napagtanto ko. Isinara ko ang libro na ginagamit namin sa History Class namin at ipinatong ang aking ulo sa aking mga bisig.

"Bakit ba kailangan naming mapag-aralan 'tong GomBurZa na 'to?" Sambit ko sa aking sarili.

Hindi naman sa sinasabi kong hindi naging parte ang tatlong paring martir sa pagkamit ng kalayaan ng mga Filipino sa kamay ng mga Espanyol ngunit kailangan ba ay paulit-ulit namin silang pag-aralan? Kasaysayan na kung kasaysayan ngunit nagbabago rin ang panahon, 'di ba? Hindi lang naman ang pag-aaral ng kasaysayan ang mahalaga na ituro sa mga nagkokolehiyo ngunit mayroon din namang mga ibang asignatura na kailangang pagtuunan ng pansin.

Iniangat ko ang aking ulo at paulit-ulit kong minasahe ang aking noo at baka sakali ay maging kalmado ako. "Hay, nako. GomBurZa pa nga...." Dahan-dahan kong sinambit habang pinapakalma ang aking sarili.

•••

Kinaumagahan sa Unibersidad ng Santo Tomas....

Alas-otso na nang makarating ako sa harapan ng unibersidad. Mahirap na ang huling papasok, baka wala ka nang maabutan. Isa ka ba naman sa mga malas na estudyante na napunta sa mga klaseng hinahawakan ni Sir Romualdez ay tiyak na ayaw mo talagang maging huli sa kanyang mga discussions lalo na kung Lunes.

Naisipan kong umupo sa bandang likuran ng klase upang makaiwas na matawag ni Sir lalo na't graded recitation ang gaganapin ngayon sa kanyang klase at hindi ako gaanong nakapag-review kagabi. Napatingin na lamang ako sa bintana at pinagdasal na sana ay maging mabilis lang ang gagawin na recitation ni Sir Romualdez.

Maga-alas nuwebe na nang pumasok sa klase namin si Sir Romualdez. Bigla akong natahimik at nanigas sa aking upuan. Inayos ko ang aking postura at naghintay sa kung ano mang paparating na tadhana sa akin sa klase na ito. Mabilis na umupo si Sir sa kanyang upuan at inilagay ang isang kahon sa lamesa na nasa harapan niya. Nakatakip ang kahon at nababalutan ng itim na mga colored papers na sadyang ipinagtaka naming lahat.

"Ah... Sir? Ano po 'yan?" Tanong ng isa kong classmate, si Archie, sabay turo sa kahon. Sumilay sa mga labi ni Sir Romualdez ang isang ngisi. Kanyang hinawakan ang kahon at dahan-dahang binuksan.

Hindi ko alam kung bakit ngunit nararamdaman ko ang matinding pagtibok ng aking puso. Mukhang may kakaiba sa ngisi ng aming guro na lalong nagpatindi ng aking kaba. Maya-maya pa ay mayroong dinampot galing sa kahon ang guro. Nang kanyang iniangat ang kanyang kamay ay isang piraso ng papel ang ngayo'y nakaipit sa kanyang mga daliri. Napuno ng mga buntong-hininga ang klase na lalo pang nagpagalak kay Sir Romualdez.

"Index card pala ang galawan ni sir pero mas kabado ako sa paraan niyang ito." Sambit ko sa aking sarili.

Pinagdasal ko na sana ay hindi ako magiging kabilang sa mga matatawag ni Sir ngayon. Sa gitna ng matinding kapaligiran na dinulot ng kahon sa klase ay hindi rin ako nakapagpigil na hindi pawisan habang sinisiyasat ni Sir Romualdez ang nakuha niyang papel.

Nang matapos niyang basahin ang papel ay kanyang sinambit nang marahan ngunit matigas ang ngalan ng estudyante na sadyang pinagsakluban ng parehong malas at laro ng tadhana. "Miriam De Leon."

Napaurong ako sa aking upuan nang marinig ko ang aking sariling pangalan sa mga labi ng aming propesor. "Huy, Miriam, ikaw daw." Bulong ng aking katabi na nagpamulat sa akin sa realidad. Mabagal akong tumayo mula sa aking kinauupuan upang harapin ang aking mga kaklase at si Sir Romualdez. "Ms. De Leon, gayong aking iniatas sa inyo na inyong pag-aralan at saliksikin ang tungkol sa buhay ng tatlong paring martir, hayaan mo na akin kitang tanungin." Sabi ng aking propesor na mas nagpakabog ng aking dibdib na tila iyon na lamang ang aking tanging naririnig.

"Saan at kailan napatawan ng parusang kamatayan ang tatlong paring martir, o mas kilala ngayon bilang GomBurZa?"

Sadya nga bang ganoon na ang aking kaba kung kaya't hindi ko lubos na naulinigan ang sinambit ni Sir Romualdez? "Pa-pakiulit po, Sir. Hindi ko po kasi masyadong naintindihan." Aking turan.

"Isa pang pagkakataon, Ms. De Leon. Saan at kailan napatawan ng parusang kamatayan ang tatlong paring martir, na mas kilala bilang GomBurZa?" Pag-uulit ni Sir.

Sabi ko na nga ba dapat ay nag-review ako kagabi. Hindi ko tuloy masagot ang katanungan ni Sir sa akin ngayon. Nanginginig akong nakatingin sa kanya at hindi nakatulong na mainit ang classroom na napuntahan namin. "Uh..... ang alam ko po ay December 30, 1896?" Hindi ko nilakasan ang aking pagsagot at baka mamaya ay talaga ngang mali ang aking tinuran.

"Pakiulit, Ms. De Leon at hindi ko masyadong narinig ang iyong sagot." Pakiusap ni Sir Romualdez. "D-Disyembre 30, 1896 po." Aking sambit at hinintay kung ano ang magiging hantungan ng kawalan ko ng pananaliksik sa nagdaang gabi.

Hindi umimik kaagad si Sir Romualdez sa aking tinuran ngunit napalitan naman ang kanyang katahimikan nang isang halakhak. "Ms. De Leon, sigurado ka ba na nag-review ka tungkol sa ating discussion ngayon?" Tanong niya. Hindi ako nakaimik sa kanyang katanungan.

"Disyembre 30, 1896, ika mo? Sa palagay ko ay hindi na sila mapapatawan nang parusa kung gayon, dahil sa taon na 'yon ay lipas na ang kanilang mga buhay!" Bulalas niya. "Ms. De Leon, nag-review ka ba talaga tungkol sa GomBurZa?" Tanong niya ulit.

"H-hindi po...." Pagpapahayag ko ng katotohanan na sinabayan naman nang pitik ng daliri ni Sir Romualdez. "Edi lumabas din ang totoo na ikaw, Ms. De Leon, ay hindi pinahahalagahan ang pag-aaral ng ating nakaraan." Kanyang isinambit na ikinatahimik ng anumang ingay sa loob ng klase. "Ganoon na ba kakitid ang iyong karunungan na ang mga simpleng impormasyon lamang kagaya na lang ng kamatayan ng mga paring martir ay hindi mo alam?"

"Eh sir, hindi lang naman po ang klase ninyo ang pinahahalagahan at binibigyan ng atensyon ko. Mas may mahalaga pa po kaming mga subject na kailangan naming pag-aralan. Hindi lang po ang klase ninyo." Aking ganti sa kanyang isinumbat sa akin.

"Ms. De Leon, isang linggo ang aking ibinigay sa inyo upang manaliksik at alamin ang mga bagay tungkol sa GomBurZa. Isang linggo na't tila wala ka yatang ginawa?"

"Sir, I think that learning our past is not that relevant in our course and that your subject is not that special than you think. If we keep on returning and reviewing our past then how would we, as a country, progress?"

"Exactly, Ms. De Leon. You just proved your own point. Paano nga ba tayo makakaranas ng progreso kung hindi natin pag-aaralan at pahahalagahan ang ating sariling nakagisnan? And in that manner, Ms. De Leon, I would like you to submit an essay about the lives of the three priests and make a paper on how their contributions towards freedom now reflects on our current state which accounts to 75% of your grade." Ani Sir Romualdez na labis na ikinapanibugho ng damdamin ko.

"Sir, hindi naman po yata 'yan fair. Ako lang po, talaga?" Sambit ko. Hindi ko lubos na maunawaan kung bakit ganoon at basta basta na lamang niya ako pagagawin ng isang gawain na magdidikta ng aking grado sa kanya. "Your lack of acknowledgement and value to our history indict you the responsibility to finish your own task to be passed until Wednesday." Huling sambit niya sakin bago niya ako pinaupo sa aking upuan. "Next, Mr. Archie Santos...."

Nararamdaman ko ang mga matatalas na titig ng aking mga kaklase na mas nakadulot pa sa akin ng kahihiyan. Inilugmok ko na lamang ang aking ulo at hiniling na sana ay bumilis na lamang ang takbo ng oras upang hindi ko na kailanman marinig ang mapanakit na boses ng propesor.

---

𝗽𝗮𝗱𝗿𝗲 || 𝗮 𝗵𝗶𝘀𝘁𝗼𝗿𝗶𝗰𝗮𝗹 𝗳𝗶𝗰𝘁𝗶𝗼𝗻Where stories live. Discover now