𝐱𝐢.

340 20 15
                                    

[ Kabanata 11 — Kapaskuhan ]

Kung mayroon mang ibang natutunan si Miriam sa kanyang pananatili sa bayang pilit na inaalipusta ng mga makapangyarihan, ito ay ang kaisipan na ang pagmamahal o ang paghangad na mahalin ay walang kinalulugaran sa lipunang pang-aabuso at panghahamak lamang ang umiiral na idealismo. Naaatim pa ni Miriam ang kasiguraduhan na ang tatlong paring martir ay makatatanggap ng hangganang hindi makatarungan ngunit ang hindi niya mapigilan ay ang katotohanan na kapag ito ay mangyari ay hindi niya ito kakayanin. Tatlong pari na walang ibang inisip kundi ang kapakanan ng Inang Bayan. Mga paring nahatulan ng hindi patas na kamatayan sa kamay ng mga ganid na mananakop. Hindi na niya ba talaga mababago ang kanilang tadhana? Ito ba'y nakasulat na't nakatakda at wala na siyang magagawa pa? Kailan ba naging isang pagmamalabis ang paggawa ng pagbabago alang-alang sa isang paring lubos nang napamahal at napalapit sa kanya, ngunit kailan rin ba ito naging tama....

Anumang panahon na ika'y mapadpad ay hindi talaga maitatanggi na ang araw ng kapaskuhan ay tinuturing na isa sa mga pinakamahahalagang parte ng taon. Kasabay ng malamig na ihip ng hangin ang lakas ng diwa ng mga tao sa kaarawan ng Poong Maykapal. Alas-singko pa lamang ng umaga ay naghahanda na ang buong kumbento ng mga pandekorasyon na iprepresenta sa harapan. Abala kami ni Dolce sa paglilinis sa labas ng kumbento nang makita ko ulit ang babaeng tinulungan ko sa kamay ng guardia civil. Nagkapalitan kami ng mga nangungusap na ngiti bago ako bumalik ulit sa aking ginagawa.

Umaga pa lamang ng bisperas ng kapaskuhan ay marami nang tao sa mga lansangan. Karamihan sa kanila ay bumibili ng mga sangkap ng mga pagkain para sa noche buena habang ang mga iba naman ay kasama ang kanilang mga pamilya o mga kaibigan upang magtungo sa plaza.

Nang pumatak na ang alas-sais ng umaga ay tumunog na ang kampana ng katedral na sumisimbolo para sa isang mahalagang misa. Nag-ayos na kaming lahat at nagtungo sa simbahan upang sumali sa napakagandang kaganapan.

Habang kami'y naglalakad ay hindi magkandamayaw si Dolce sa kanyang pagpapaypay habang ang mga mata naman niya'y mabilis na kumikindat-kindat sa iisang direksiyon. Nang aking tignan kung ano ang dahilan ng kanyang pag-asta ay nakita ko na ang isang ginoo na tila ay nginingitian din siya. Napairap na lang ako at tumawa habang inakbayan si Dolce at nilayo nang bahagya mula sa tusong ginoo.

Hindi ko pa rin akalain na may matalas na pandinig pala si Padre Burgos at naulinigan niya ang bulong na akala ko ako lamang ang may kayang marinig ito. Hindi pa rin maalis sa aking isipan ang kiliti na aking naramdaman nang sinabi niya ang katotohanan sa akin at ang mapaglaro niyang mga mata na kahit anong gawin ko upang iyon ay malimutan ay patuloy pa rin itong nananatili sa gilid ng aking isipan.

Kung mababalik ko lamang ang nakaraan ay sana hindi ko na lang iyon sinabi upang hindi niya malaman na mayroon akong kakaibang nararamdaman sa kanya. Ikaw talaga Miriam, kahit kailan talaga, tsk!

Sa kabuoan ng misa ay itinimpi ko ang aking sarili na tumingin sa gilid ng altar kung saan nakaupo ang padre ngunit nararamdaman ko ang init ng kanyang mga sulyap na tila mas nagpapasibol pa ng aking pagtingin sa kanya.

Nang matapos ang misa ay dumiretso na kami uli sa kumbento upang ipagpatuloy ang paghahanda. Ako ang nagpatuloy na lagyan ng dekorasyon ang labas ng kumbento habang si Dolce naman ang mga mahahalagang kwarto at hapag kung saan magkakaroon ng pagtitipon ng lahat ng kabanalan mamayang hatinggabi.

Naku, naalala ko na ako pala ang may sagot ng pagtugtog ng piyano mamaya. Hala, pupunta ba ang tatlong pari?

•••

𝗽𝗮𝗱𝗿𝗲 || 𝗮 𝗵𝗶𝘀𝘁𝗼𝗿𝗶𝗰𝗮𝗹 𝗳𝗶𝗰𝘁𝗶𝗼𝗻Where stories live. Discover now